No classes, all levels.
Malaking parte ng buhay estudyante ang class suspension. Panahon na walang klase sa ekswela dahil madalas may bagyo o malakas ang ulan. Tuwang-tuwa ka kapag suspendido ang klase. Susunduin ka ng nanay mo sa school dahil maaga ang uwian. Siyempre habang naglalakad kayo pauwi ng nanay mo, magpapahuli ka ng kaunti sa paglalakad para makapaglaro sa ulan. Ang sarap sa pakiramdam kapag sinasahod mo yung mga palad mo sa ulan, unti-unti mong sinasalo ang bawat patak, habang dumadampi naman sa pisngi mo ang malamig na simoy ng hangin. Sumasayaw-sayaw ka pa sa ulan, pumapadyak padyak, tumitingkayad, lumulundag-lundag at kumakandirit. Magugulat ka na lang, basang basa ka ng ulan. Pag-uwi mo sa bahay, nagmamadali ang nanay mo sa pagluluto ng istant noodles, maggi na may dalawang itlog. Ayos na ayos at saktong sakto para sa malamig na panahon. Nagkakanda paso pa ang nguso mo sa paghigop ng mainit na sabaw, sabay kagat sa mainit na noodles. Sa sobrang sarap, hihirit ka pa ng pangalawang round sa nanay mo. Masayang-masaya ka noon kapag suspendido ang klase, sa bahay lang, matutulog, magbabasa ng paborito mong komiks, habang naghihintay ng announcement sa radyo kung may pasok na bukas. At kapag binalitang wala pa rin pasok kinabukasan, ang ngiti mo abot hanggang tenga. Pahinga ulit at matitkman mo na naman ang masarap na luto ng nanay mo, nandyan na yung paborito mong champorado, tuyo, kamatis at sinangag. Masasabi mong sana bukas wala ulit pasok. Buong maghapon kang nakatanaw sa bintana, pinapanood ang mga patak ng ulan, hampas ng hangin, pero kalakip din nito ang panalangin mong maging ligtas ang lahat. Sa pagsapit ng bagong umaga, ginigising ka na ng nanay mo at sasabihing, wala ng bagyo at may pasok na. Babangon ka na at haharapin muli ang masayang buhay estudyante. Bawat class suspension noon, yun ang pinakamasayang araw para sa mga kabataan. Masarap kasi sa pakiramdam ang ulan at malamig na panahon kasabay pa ang masarap na luto ng nanay mo. Pero habang tumatanda ka, maiisip mong, napaka-ironic ng buhay. Masarap sa pakiramdam ang ulan pero kung tutuusin, ang ulan ay sumisimbulo sa bawat unos ng buhay. Unos na kailangan mong sabayan habang naglalakad ka; kailangan mong harapin ng buong tapang. Sa huli, ang unos na naranasan mo ay mananatiling biyaya dahil marami kang natutunan. At ang bawat class suspension ay paraan upang hindi mo makalimutan na sa simpleng bagay nagkukubli ang masayang ala-ala ng buhay. Mababalikan mo kung paano mo sinabayan ang bawat ulan ng buhay na punong-puno ng ngiti at pag-asa.
6 Comments
|
AuthorOld soul Categories
All
Archives
April 2017
|